Tuesday, November 01, 2005

All Saints' Day?

Undas.
Ito ang panahon sa bawat taon kung kailan inaalala ang ating mga mahal na patay na. Nandiyan ang mga ipinagdadasal ang kanilang mga mahal sa buhay, kasama na ang mga kaluluwa sa purgatory. Yung iba nagmumuni-muni, naglalabas ng mga lumang larawan at inaalala ang mga magagandang alaala na naiwan sa kanila. At higit sa lahat nakagawian na ng mga pinoy na katoliko na dalawin ang mga patay - saan pa - sa lugar na kanilang pinaglibingan, dala ang kandilang ititirik at ang mga bulaklak na iaalay. Isama mo na dyan ang alak, baraha at syempre tolda-toldang nagbebenta ng chibog.

Minsan lang naman mgakitakita ang mga magkakamaganak: sa pasko, kung may birthday at kung may patay, kasama na dyan ang araw ng mga patay. Nagiging joke na ang kaisipang ito sa atin, pero aminin nyo, may katotohanan ito. At sa araw sa isang taon na inaalay natin para alalahanin sila, ang mga patay pa ang nagiging host sa pinakakaraninwang reunion ng magkaka-maganak.
Kaya lang di sila yung naghahanda. Meron nagbabayad ng iba para maglinis ng dumi, magtabas ng damo, pintahan ng panibagong kulay at higit sa lahat pagandahin ang puntod ng kanilang mga yumao. Yung iba naman sila na mismo ang gumagawa. Kahit alin dito ang gawin nila pwede basta umabot sa November 1.

At bakit ika ninyo?
Tamang tama, abot lang sa Halloween na siya namang ipinagdiriwang sa mga bansa sa kanluran. Pero nasa Pilipinas tayo, at kasama ng mga kakaibang mga gawain ng mga Pilipino tulad ng pagharurot ng sasakyan kahit kulay pula na ang traffic light ay ang paggunita natin ng "day of the dead" sa All Saints' day.
Nakakatuwa ang contrast ng kawalan ng buhay sa sementeryo 'pag November 2 kung ihahambing sa parang dagat ng mga ito tuwing November 1, kaya naman todo bantay ang mga news networks dito (traffic updates, kung kailan na dumadami ang tao at syempre kung may nakadalaw na ba kay Rico Yan). Nakakapagtaka kung bakit wala na ang nagpupunta sa sementeryo tuwing Novemeber 2 (pwera ako). May malas ba dun? Paano ba iginugunita ang All Saints' Day?
Sabi ng tatay ko, "mob action" ang naging sanhi sa kung bakit sa November 1 natin dinadalaw ang ating mga mahal na patay. Sa kadahilanang gusto makaiwas ang mga tao na sumabay sa dami ng tao, maaga sila pupunta ng sementeryo (siyang dahilan kung bakit October 31 pa lamang ay may laman na ang mga sementeryo). Pero dahil lahat ng tao gustong maging maaga, di rin sila nakaiwas. At mula noon, sa November 1 na pumupunta ang mga tao.
Pero theory lang 'to. Pwede rin dahil gusto nila gamitin ang November 2 para magbakasyon. O dahil may isang sikat na tao ang November 1 dumadalaw at ginagaya na lang siya ng lahat ng tao? O di kaya kasi sabi ng Simbahan? O dahil may jinx kung sa November 2 pumunta? O baka naman kasi di kasama sa long weekend na ibinigay ng pangulo?
Di ko rin alam, at maraming mga kakaibang mga dahilan ang pwede pa na maisip. Kung alam nyo, sana naman ma-enlighten nyo po ako.

Happy Halloween!